Babala: Huwag basahin ang post na ito kung ikaw ay may sakit sa puso, matatakutin, o kumakain ng pananghalian. May ilang sitwasyon na nakakadiri, nakakapangilabot, at posibleng mahimatay ka sa takot. Ang sumusunod na kaganapan ay base sa totoong karanasan at pangyayari. Naganap ito noong nakaraang taon.Kung matapang ka, hala simulan mo ng magbasa.
Nagsimula ang kwento sa aming magbabarkada noong college. Matagal-tagal na din kaming hindi nagkikita at nalalapit na ang birthday ng isa naming barkada. Isang araw ay may natanggap kaming kakaibang invitation message sa Facebook. Ang nakasaad sa nasabing FB message, ay manlilibre at magpapainom daw siya sa araw ng birthday nya.
October 31 ang birthday nya. Alas-8 ng gabi ang napag-usapang meet-up time at napagkasunduan namin na magkita-kita sa Morayta para sabay-sabay na kami pumunta sa gimikan. Iilan lang ang nagconfirm na sasama, 5 lang kami to be exact at kahit isa ay walang may dalang sasakyan. No choice kundi ang magcommute.
Isa sa amin ang may alam na mura at sulit na bar. Ngunit may problema, may kalayuan sa kabihasnan ang nasabing bar. Isang bar na malapit sa Antipolo...
Sumakay kami ng taxi papunta sa nasabing bar. May kalayuan at hindi kayang baybayin ng taxi ang mabatong daan kaya binaba kami sa isang madilim at mapuno na lugar. Isang lamp post lang ang nagsisilbing ilaw na patay-sindi pa at pinapalibutan ng gamo-gamo.
Alas 9:30pm na, malamig ang simoy ng hangin. Tahimik at nakakapangilabot ang lugar. Mga dahon na winawasiwas ng hangin ang maririnig at sinasabayan pa ng alulong ng mga aso. Parang ang lungkot sa pakiramdam at tila ba may mga matang nakatingin samin. Nagsimula ng tumayo ang balahibo ng grupo habang unti-unting naglalakad sa patutunguhan. Sumakto pa ang kabilugan ng buwan noong gabing yun at talagang tinatablan na kami ng takot at pag-aalinlangan kung tutuloy pa ba kami.
Bago pa kami makaback-out ay naaninag na namin ang bar sa may di-kalayuan. Binilisan namin ang paglalakad hanggang sa makarating kami sa bar. Wala masyadong taong nag-iinuman at walang videoke. Pagpasok namin ay humanap agad kami ng pwesto, malapit sa cashier.
Sinimulan na namin ang inuman. Masaya ang grupo habang kinakantahan ng happy birthday ang celebrant habang papalalim ang gabi . Ang daming inumin at pulutan - may isa pa nga sa amin ang umorder ng pansit. Hindi namin namalayan na unti-unti ng nagsiuwian ang mga tao. Maliban sa cashier ay kami na lang ang nasa loob. Maaga pa, alas-12 palang ng gabi. Isa sa amin ang biglang nakaalala na November 1 na pala! Bigla na naman kaming kinilabutan at nanahimik.
Sa kabila ng katahimikan, unti-unti naming napansin ang isa naming kasamang babae, kanina pa siya tahimik sa sulok at tila malalim ang iniisip. Alam naming hindi siya OK at may kakaibang nangyayari sa kanya. Pinagpapawisan sya at tila iba ang nararamdaman. Namumutla sya at parang may masakit sa kanya. Panay ang hawak nya sa tyan.. Tama ang hinala namin at kinakabahan na kami. Naimpatso ang kasama naming babae sa dami ng kinain na pansit. Kaya pala kanina pa nananahimik sa sulok. Kailangan nyang magbawas!
Dali-dali naming tinawag at nilingon ang cashier para magtanong kung saan ang CR pero bigla nalang itong nawala!
Nagpapanic na ang grupo at hindi na alam ang gagawin. Walang CR sa bar kaya nagdecide kami na lumabas para maghanap ng bahay para makigamit ng banyo. Nandito na naman kami tinatahak na naman ang madilim na daan pabalik. Parang mausok ang daan at tutok ang kabilugan ng buwan. Nagsisimula na namang tumayo ang balahibo namin sa batok. Kinikilabutan na naman kami habang naglalakad sa bato-batong daan. Kumakapit na kami sa bawat isa habang pinagmamasdan ang nakakakilabot at madilim na paligid.
Sa di kalayuan, may nakita kaming isang bahay. Isang white house! Puro puti ang pintura ng bahay. Iisa lang ang nakabukas na ilaw at tila may tao sa loob. Gising pa ang may-ari. Kumatok ang isa naming kasama. Walang sumasagot. Hinang-hina na ang kasama namin sa sakit ng tiyan. Nilakasan pa ng kasama ko ang pagkatok. Naririnig namin ang unti-unting pagbukas ng lock ng pinto at biglang tumambad sa amin ang isang matandang babae. Nakasuot ng puting damit at headgear. Parang white lady!
Sa kabila ng pagdududa namin kung bakit puro puti ang nasa bahay na ito, nilakasan namin ang aming loob na makigamit ng banyo para sa kasama namin. Hindi kami pinayagan ng matandang babae, may pagkamataray at kakaiba tumitig ang babaeng ito. Nagmaka-awa ang isa naming kasama na payagan kaming makigamit ng banyo kahit magbayad pa kami alang-alang sa kasama namin.
Walang kibo ang white lady. Tumango lang ito at pinatuloy kami sa white house. Pati sa loob ay puro white ang pintura ng dingding, kurtina, at iba pa. Nakakatakot sa loob. May kung anong mga bakal at maliliit na bote na nasa kanto. Sinabi ng matandang babae na hindi pwede gamitin ang banyo at bigla na lang hinawakan ng mahigpit ang kasama naming babae at dali-daling hinablot!
Bigla na lang silang pumasok sa isang kwarto at ni-lock ang pinto. Wala kaming magawa, kundi ang kumatok ng malakas at piliting buksan ang pinto. Tinadyakan ng kasama ko ang pinto pero hindi pa rin ito bumukas. Sumisigaw na ang grupo at paulit-ulit na tinadyakan ang pinto pero ayaw pa din itong bumukas. Kinabahan na kami ng may marinig kaming sigaw mula sa kasama namin sa loob ng kwarto. Namimilipit siya sa sakit at tila may ginagawa sa kanya! Mas lalo pa kaming kinabahan ng palakas ng palakas ang kanyang sigaw! Namimilipit siya sa sakit!
Hindi nagtagal. Tumahimik na ang lahat. At isa na lang sa amin ang biglang tumingala at nakapansin sa nakapaskil na karatula, sabay turo...
"Guys, basahin nyo..."
Ang nakalagay sa karatula: MATERNITY CLINIC. Open 24 hours.
masyado nang nagiging malikot ang imahinasyon mo~
ReplyDeleteipagpatuloy mo lang
wapak...... may thrill factor na:p kudos
ReplyDeletehehe.. salamat sa inyo.. :)
ReplyDeleteang hirap ng nagdadalan-tae tapos puno ng alak ang tyan..